26 June 2015

El Bimbo Variation: SCP Documentation




Item #: SCP-0530

Object Class: Euclid

Special Containment Procedures: Bibigyan si SCP-0530-1 nang isang (1) kuwarto na may sukat na 7m x 7m x 7m, sa loob ng Site 45. Ang kwarto ay dapat may kama, upuan, paliguan, etc. na karaniwang inihahanda para sa mga Euclid-level humanoid SCPs. Babantayan lagi ang kuwarto ni SCP-0530-1 nang dalawang (2) guwardiya. Ang pagkain ni SCP-0530-1 ay ihahatid na lang sa kanya at ibibigay gamit ang butas sa pintuan. Kapag papasok sa loob ng kuwarto ni SCP-0530-1, dapat magsuot ng earplugs para hindi maapektuhan ng “radius of effect” ni SCP-0530-1. Kailangan ng Level 2 Security Clearance upang payagan makapasok sa kuwarto ni SCP-0530-1, at ng Level 1 Security Clearance upang pwede pumasok sa observation room. Bawal ilayo o kuhanin nang pilit kay SCP-0530-1 ang SCP-0530-2, kahit ano ang mangyari. Kapag lumayo si SCP-0530-1 sa SCP-0530-2, tawagin kaagad ang mga security guard upang pagsabihan siya. Lahat ng mga mananaliksik na magsusuri sa SCP-0530 ay kailangang bihasa sa wikang Filipino.

Litrato ni SCP-0530-1, sa loob ng Site 45, noong
██/██/20██.

Description: Si SCP-0530-1 ay isang taong babae, may ngalang ██████ ██ ██ ██████ na dating estudyante ng ██████ ██ ██████ University. Ang pinakapansin-pansin sa kanya ay kamukha niya ang artista na si ██████ ██████ ██████ ███ █████ o Paraluman, na popular sa bansang █████████. Sinasabi ni SCP-0530-1 na hindi ganito daw ang totoo niyang itsura, pero hindi pa ito napapatunayan ng mga mananaliksik.

Isa sa mga kapansing-pansing kakaibang nagagawa ni SCP-0530 ay ang awtomatik na pagsasalin ng lahat ng dokumento tungkol kay SCP-0530-1 o sa SCP-0530-2 sa wikang Filipino. Ang mga dokumentong isinulat ay isinasalin sa wikang Filipino at sa estilo ng pagsulat ng nagsulat ng dokumento. Naapektuhan rin ang mga digital na dokumento tungkol kay SCP-0530-1 kahit encrypted as password-protected ang mga files na ito. Walang anumang counter-memetic or anti-cognitohazard filter ang nakapipigil sa awtomatik na pagsasalin ng mga dokumentong ito. Isinasalin rin ang dokumento kahit hindi banggitin ang totoong pangalang nilang dalawa ng direkto: isinalin din nito ang mga dokumento na tumuring sa kanila gamit ang kanilang SCP designation. [MAAARING TIGNAN ANG MGA DATING DOKUMENTO NG SCP-0530 BILANG HALIMBAWA; KINAKAILANGAN NITO ANG LEVEL 3 SECURITY CLEARANCE]

Lahat rin nang visual media na kung saan kinuhanan si SCP-0530-1 ay naapektuhan. Ang mga litrato ni SCP-0530-1 ngayon, kapag kinuha, ay nagmumukhang luma o kaya monochromatic, kahit ang ginamit na pangkuha ng litrato ay bagong-bago na camera. Kapag ipiprint ang mga litratong ito, nagluluma kaagad ang itsura ng mga litrato sa tatlumpung (30) segundo. Ang mga video at live camera feeds na kasama si SCP-0530-1 ay nagiging monochromatic rin ang itsura, at nagkakaroon ng static, kahit panoorin man ito sa mga bagong telebisyon. [MAAARING TIGNAN ANG MGA LITRATO AT ANG MGA NAKATABING SURVEILLANCE VIDEOS NI SCP-0530-1 BILANG HALIMBAWA; KINAKAILANGAN NITO ANG LEVEL 4 SECURITY CLEARANCE]

Mayroon ding iregular na nangyayari sa tatlong (3) metro na radius ni SCP-0530-1. Kapag pumasok ang sinumang tao sa radius na ito, makariring sila ng kantang “Ang Huling El Bimbo” ng bandang ███████████, sa lakas na 40dB. Naririnig lamang ito sa loob ng tatlong (3) metro na radius ni SCP-0530-1, at hindi ito maririnig sa labas ng radius na ito. Lahat ng makaririnig ng kantang ito sa radius ni SCP-0530-1 ay mapipilitang sumayaw nang isang lumang sayaw, maliban kay SCP-0530-1. Ang mga kapansin-pansin na sayaw na halos laging nangyayari ay ang boogie at cha-cha. Hindi ito nakokontrol ni SCP-0530-1, at sinabi niya sa mga mananaliksik na hindi niya ito kinagugustuhan. Ang pagsuot ng earplugs ay nakapipigil na sa epektong ito.

Ang SCP-0530-2 naman ay isang naka-stapler na babasahin sa karaniwang A4 bond paper, ayon sa mga chemical tests. Naglalaman ito ng printed PDF version ng “The El Bimbo Variations” ni ████ █████. Ang pinagkaiba nito sa iba pang mga kopya ng akdang ito ay ang pagpalit ng lahat ng litrato sa “Introduction”, “Comic Strip” at “Artist’s Rendition” na parte ng akda sa mga hindi-karaniwang mga simbolo. Ayon sa mga eksperimento, walang mangyayari hanggang hindi nakikita lahat ng mga simbolong ito. Kapag nakita na lahat ay biglang isisigaw ng nakakita ang unang dalawang linya ng “Ang Huling El Bimbo” bago malagay sa malalim na tulog at bumagsak. Kapag hindi nailayo kaagad ang apektadong tao nang isang (1) metro mula sa SCP-0530-2 sa ilalim ng tatlong-daan at tatlumpung (330) segundo, mamatay ang tao. Ang pagkamatay nila ay laging dahil sa extreme blunt force trauma, kahit nasa loob sila ng nakasarado at maliit na kuwarto. Laging may lilitaw na tire tracks na may layong isang (1) metro mula sa bangkay ng tao. Ang tire tracks ay hindi pareho sa kahit anong gulong na mayroon na ngayon.

Ang mga mailalayo kaagad ay biglang magigising, na may 80% na magigising nang takot. Ang mga ito ay laging may parehong karanasan habang nasa malalim na tulong: lagi silang magkakaroon ng panaginip na sila ay nasa Ermita, ██████, ███████████, ayon sa mga landmarks at street signs na makikita sa panaginip. Lagi itong nasa gabi, at laging walang mga tao, hayop, o sasakyan, maliban sa isang trak na walang tatak (na tatawaging SCP-0530-3). Lagi itong nakailaw, at laging pintado ang mga bintana nang itim. Sa lahat nang mga nabuhay, lagi silang hahabulin ng trak hanggang sa biglang manigas ang paa nila. Magigising sila bago sila masagasaan ng trak. Hula ng mga mananaliksik na ang mga namatay ay tuluyang nasagasaan ng trak na ito sa panaginip, at lumilitaw ang epekto ng pangyayari nito hanggang sa totoong buhay. Walang alam si SCP-0530-1 ukol sa trak na ito, pero hindi pa ito napapatunayan ng mga mananaliksik.

Addendum:
Kapag inilayo ang SCP-0530-2 mula kay SCP-0530-1 ng may tatlong (3) metro, makaririnig ang lahat ng tao sa loob ng tatlong (10) mentong radius mula kay SCP-0530-1 ng kantang “Ang Huling El Bimbo” na magsisimula sa lakas na 80dB at lalakas na 10dB kada labinlimang (15) segundo na magkalayo ang dalawa. Dahil nakasasakit na sa tenga ang lakas na 90dB at nakasisira na sa pandinig ang lakas na 125dB, kailangang mailapit kaagad sa SCP-0530-1 ang SCP-0530-2. Hindi naapektuhan si SCP-0530-1 sa pangyayaring ito.


Litrato mula sa https://moongirl.files.wordpress.com/2009/04/paraluman.jpg, na inedit

Ang variation na ito ay kumukuha ng inspiration mula sa SCP Foundation: http://www.scp-wiki.net/
SCP Logo mula sa http://logonoid.com/images/scp-logo.png